Sunday, March 16, 2008

I. Introduksiyon

Suliranin: "Ano ba ang meron sa Street Foods?"

  • Patok na patok sa mga Pinoy, lalo na sa mga kabataan ang pagkain ng mga 'street foods' kaya naman naisipan ng mga mananaliksik na talakayin ang mga ito. Dahil sa kalye ito ibenebenta, nalalagyan na ito ng mga dumi na galing sa polusyon at sa mga insektong dumarapo dito. Kaya naman pagdidiinan ng pansin ng mga mananaliksik ang mga pwedeng maging epekto ng pagkain ng mga ito at ang maling pamamaraan ng paghahanda nito.


Rebyu

Fear Factor(Pinoy Edition)

ASTIG ANG PINOY!

Kung ang street food sa ibang bansa ay hotdogs, burgers, dimsum, at fries, ibahin mo ang dito sa Pilipinas. Usong-uso ang mga fishballs, kwek-kwek, kikiam, etc. lalo na sa mga taong nasa middle to lower class ng populasyon. Mas maganda siguro kung gagawin natin yang, "Astig ang sikmura ng pinoy." Hindi ko rin alam bakit patok na patok sa mga Pinoy ang ganito. Ako mismo na nursing student ay parokyano ng ganitong pagkain. Kahit alam ko pa kung anu-anong bacteria ang makukuha ko rito, nakakalimutan ko sila lahat pagdampot ko sa magical barbecue stick that will someday make me sick(rhyme!).

Ikaw? Sa palagay mo? Saan ba kinukuha ng street food ang kanyang irresistibility?

  1. Sa magical barbecue stick which you make tusok-tusok onto the fishball?
  2. Sa orange food coloring na hindi mo alam bakit hindi na lang naging blue? Or yellow?
  3. Sa sukang manilaw-nilaw na at may paswimming-swimming na langaw?
  4. Dahil ito ay murang pantawid gutom kasabay ng pagtitipid para lang may maipang-Ragnarok ka?

Bilang isang nursing student, isa sa mga pangunahing tungkulin namin para sa aming komunidad ay ang health promotion o ang turuan kayo ng mga paraan para makaiwas sa sakit at magkaroon ng better lifestyle. Pero sa pagkakataon na 'to ay kalimutan muna natin yun dahil ipapakilala ko sa inyo (sa mga hindi nakakaalam) ang iba't-ibang masasarap na street food na pwede ninyong makita sa inyong mga kalsadahan.

Fishball, Squidball - Ito yung mga puting bilog which you make tusok-tusok onto. Pag marami-raming tao e pwede kang magpasobra ng sa bilang mo para makalibre ka. Well, konsensya mo na lang yun pag nagtaka ang tindero bakit hindi siya yumayaman sa pagpipisbol. Fishballs sold for 50c. Squidballs for P2.00.

Kwek-kwek - or quail eggs kung soshal ka. Itlog na binalutan pa ng itlog(battered). Sa sobrang pagiging itlog niya e bente anyos ka pa lang bumabara na ng cholesterol ang ugat ugat mo. Sold for P5-7/stick.

Kikiam - hindi lang sa Chowking meron nito. Sa kalsada rin! Ranges from P1-2.

One Day Old - mga orange na itlog na katakyut-takyut. One day old ang tawag sa kanila pero pag nalasahan mo parang one week old nang nilalako. P5.00.

Laman-loob ng Baka ON A STICK - sosyal ka dahil galing ito sa beef. Pero wala talagang beef dahil puro taba at laman-loob lang ito. P2-3.

At ang kinatatakutan ng lahat!

One Day Old Chick a.k.a. HALIMAW - Fried sisiw in an orange coloring. Crispy. Pinakamalutong pagkagat mo sa bungo nung sisiw KRRRRKKKK!!! Ummm.. sarap!!

At dahil nandito na rin ako ay magpapakanurse na rin ako.

Hazards of street-food eating:

  • Alalahanin na ang iba sa mga street food ay hinahayaang nakatiwangwang lang sa kalsada at sari-saring pollution at microorganisms na ang nasagap nito.
  • May posibilidad na makakuha ka ng E.coli sa fishballs, kikiam, squidballs dahil processed ang mga ito.
  • Halos lahat sa mga microorganisms sa mga to ay namamatay rin sa mainit na mantika. Pero wala ka pa ring katakas sa magical sauce nila.
  • Nakasisiguro akong milyun-milyong microorganisms na ang nasa mga sauce nila dahil iba't ibang tao na ang "sumawsaw" dito. Kaya mas magandang magfishball sa umaga kaysa sa gabi dahil ikaw ang bwena-manong sasawsaw. =)
  • Ang iba sa mga tindero ay walang alam sa food sanitation and proper handling.

Kaya sa susunod na magsistreet-food ka, lagi mong tandaan. EAT AT YOUR OWN RISK. Behhh!

(http://humblejowdie.blogs.friendster.com/online_tabletas/2007/01/fear_factorpino.html)

Layunin

  • Layunin ng pananaliksik na ito ang makagawa ng akademikong papel para sa pagkumpleto ng grado sa kurso ng Filipino II. Layunin ng pananaliksik na ito ang makapaghanap ng mga impormasyon tungkol sa paraan ng paghahanda ng mga 'street foods' at kung ano ang mga maaaring maidulot ng pagkain ng mga ito. Layunin din ng pananaliksik na makapagbigay detalye at impormasyon sa mga Pilipinong mahilig sa 'street foods' bilang babala sa mga posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan.


Halaga

  • Ang pananaliksik na ito ay magsisilbing paalala sa mga tao na ang pagkain ng street foods ay maaaring magdulot sa kanila ng sakit. Ito ay maaaring maging reperensiya sa tamang paraan ng paghahanda ng pagkain. Ito rin ay pwedeng maging gamit para maipaalam sa mga tao na hindi purkit mura at masarap ang mga pagkain ay sulit na sulit na ito, dahil ang pagkain ng street foods ay maaaring makapaglagay sa tao sa tiyak na kapahamakan.


Konseptwal na Balangkas

Methodolohiya

  • Ang mga mananaliksik ay pumunta sa iba't ibang tindahan ng mga street foods. Nakita nila na meron din namang mga tindahan na inilalagay nila sa tamang lalagyan at tinatakpan ang mga pagkaing kakaluto lang. Pero, karamihan pa rin ng mga tindera ay hindi tinatakpan ang kanilang mga bilihin kaya ito ay "naeexpose" pa rin sa dumi at alikabok na dulot ng polusyon. Gumawa rin ang mga mananaliksik ng isang surbey, na may katanungan na kung kumakain ba sila ng street foods at kung sa tingin ba nila ay siguradong malinis ang mga ito. Gumamit din ang mga mananaliksik ng mga artikulo mula sa internet pang-dagdag detalye at pangsuporta sa mga impormasyong nakuha.


Saklaw/Delimitasyon

  • Ang pananaliksik na ito ay tumatalakay lamang sa mga street foods na matatagpuan sa Pilipinas. Nakapaloob dito ang iba't ibang uri ng mga pagkaing ito at ang tamang paghahanda sa mga ito. Binibigyang-diin ng mga mananaliksik ang tungkol sa kalinisan ng mga produktong ito, ang mga sakit na maaaring makuha sa pagkain ng street foods.


Daloy ng Pag-aaral

  • Dahil maliit lang ang kapital na kailangan sa pagbebenta ng street foods maraming tao ang nagnenegosyo nito. Tinatalakay rin dito ang iba't ibang uri ng mga ganitong klaseng pagkain. Ang isyu na hinaharap ng mga tindera ng street foods partikular na ang kalinisan ng kanilang mga binebenta. Isa pa sa tinalakay dito ay ang mga paraan para mabawasan ang problema sa sanitasyon.
  • Una, tinalakay namin kung bakit maraming tao ang nag-nenegosyo ng street foods. Ikalawa, ang iba't-ibang uri ng street foods. Ikatlo, ang maling paraan ng paghahanda ng mga ito. At ang panghuli, mga paraan upang mabawasan ang problema sa sanitasyon.

II. Introduksiyon sa paksa

Ang Street Foods ay ang mga pagkaing nilalako sa kalye. Hindi maipagkakaila na ang mga Pilipino ay hindi lang tatlo sa isang araw kung kumain, minsan pa nga ay apat hanggang anim, kaya siguro ang pagkain ng mga 'street foods' ay naging parte na ng ating kultura. Naging kaugalian na rin ng mga Pinoy ang pagkain ng merienda, kaya naman kadalasan ay makikita mo ang mga 'street foods' sa mga palengke o di kaya sa tapat ng mga paaralan. Naging parte na ito ng ating kultura, dahil karamihan sa mga pinoy ay gustong-gusto ang pagkain ng mga kakaibang pagkain. At siyempre dahil sa ito ay mura na at masarap pa. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, ay meron pa ring mga isyu na ibinabatikos sa pagkain nito. Ilan na rito ay ang kalinisan o sanitasyon at kaligtasan o kasiguraduhan na walang makukuhang sakit sa pagkain ng mga 'street foods.'

III. Katawan

Isa na rin siguro sa mga dahilan kung bakit maraming nagtitinda ng 'street foods' ay ang kahirapan ng mga tao. Dahil bukod sa maliit na kapital lang ang kailangan nila, mabenta pa ito sa masa.

Maraming mga klase ng 'street foods'. Ilan lang rito ay ang mga: fishballs, squidballs, at chickenballs na mga binilog na karne ng isda, pusit at manok. Kikiam na gawa sa pinagsamang giniling at gulay. Lahat ng ito ay tineternuhan ng sawsawang matamis, tamis-anghang o di kaya'y sukang maanghang lang. Meron ding chicharon, kagaya ng chicharong baboy, chicharong manok na gawa sa taba at balat ng baboy o manok, chicharong bituka na gawa sa bituka ng baboy at manok at chicharong bulaklak na gawa sa omento ng baboy at manok. Meron ding isaw na bituka ng baboy at tenga ng baboy na tinatawag na "walkman". Meron ding baga na inihaw na baga ng baboy at barbeque na inihaw na karne baboy. Mayroon ding balunbalunan, atay, pwet, leeg ng manok at ulo ng manok na tinatawag na "helmet". Mga kakaning gaya ng suman,kalamay ube at puto ay matatagpuan din. Ice kendi na kilala sa tawag na "popsicle" ng mga panyaga ay makikita rin. Dirty ice cream na gawa sa gata na mahal na mahal ng mga batang naglalaro sa ilalim ng araw. Mayroon ding mani, banana cue, kamote cue at manggang hilaw na may bagoong. Taho na may sago at napakatamis na arnibal ay ang palaging hinahanap pag-kagising sa umaga. Kwek-kwek na itlog ng pugo na tinatawag din na "tokneneng" ay napakasikat sa atin. At sino ba namang Pilipino ang hindi alam ang nagpapalakas ng tuhod na balot at penoy. Ilan lang ang mga nabanggit sa napakaraming uri ng pagkain na matatagpuan sa kalsada sa murang halaga.

Dahil sa binebenta ang mga ito sa kalye, hindi maiiwasang makontamina ito ng mga dumi dulot ng polusyon. Marami ring mga tindero na hindi tinatakpan ang mga bagong lutong pagkain kung kaya't may chansa rin na madapuan ang mga ito ng insekto. Mali rin ang paraan ng paghahanda at pagluluto nila, dahil kadalasan ang mantika ay paulit-ulit nilang ginagamit kaya nawawala na ang sustansya nito. Ang iba naman ay gumagamit ng planggana na may tubig para mahugasan ang mga ginamit nilang kasangkapan. Ang ibang tindero rin ay walang pakialam sa kanilang personal hygiene. Dahil sa kawalang pakialam ng ibang tindero napapabayaan na nila ang kalinisan ng kanilang mga binebenta. Ang ibang mga tindero rin ay ipinagsasabay ang pag-aabot ng pagkain at pagtanggap ng pera, hindi man lang nila naisip na isang katutak ang mikrobyo na dala-dala ng pera na naipapasa nila sa pagkain. Ang pagkain ng 'street foods' ay maaari ring magdulot ng mga sakit sa atin kagaya ng typhoid fever, hepatitis, LBM at food poisoning.

IV. Kongklusyon

Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa rin ang mga kumakain ng mga 'street foods'. Ayon sa iba, ang pagkain ng mga ito ay depende naman sa sikmura ng tao. Kung hindi matibay ang sikmura ng tao o hindi siya sanay na kumain ng mga ganitong klaseng pagkain, ay maaaring magkasakit siya. Pero kung sanay naman at matibay ang sikmura ng taong kumakain maaaring hindi siya magkasakit. Pero dapat pa ri nating isipin na kahit na mura at masarap ang mga 'street foods' ay kailangan pa rin nating isaalang-alang ang ating kalusugan.

V. Rekomendasyon

Ang sanitasyon o kalinisan ng mga 'street foods' ay ang tanging isyu na hinaharap ng bawat mamimili at nagbebenta. Kaya naman nagbibigay ang mga mananaliksik ng mga maaaring gawin upana mabawasan ang problema ng sanitasyon. Dapat ay may ibang tao na nabibigay ng pagkain at kumukuha ng bayad para hindi mapunta ang mga dumi at mikrobyo na galing sa pera sa mga pagkaing ibinebenta. Dapat rin ay laging naghuhugas ng kamay ang mga tindero. Ang mga nagluluto at naghahanda ng mga binebenta ay dapat walang kahit ano mang suot sa kamay dahil may posibilidad itong mahulog sa pagkain. Dapat rin na walang naninigarilyo malapit sa mga pagkain dahil nasasakop nito ang usok na dala ng sigarilyo. Pagkaluto ng mga pagkain ay dapat na mayroong malinis na taguan, hindi yung nakabilad ito sa araw. Kung maaari ay bumili ng lang sila ng pinakamurang mantika para hindi ito paulit-ulit na ginagamit. Tunay nga na napakaimportante ng kalinisan sa katawan ng nagbebenta dahil maaari tayong makakuha ng sakit sa kanila. Nararapat lang na bigyang pansin ito ng mga nagbebenta para sa ikabubuti ng lahat.