Isa na rin siguro sa mga dahilan kung bakit maraming nagtitinda ng 'street foods' ay ang kahirapan ng mga tao. Dahil bukod sa maliit na kapital lang ang kailangan nila, mabenta pa ito sa masa.
Maraming mga klase ng 'street foods'. Ilan lang rito ay ang mga: fishballs, squidballs, at chickenballs na mga binilog na karne ng isda, pusit at manok. Kikiam na gawa sa pinagsamang giniling at gulay. Lahat ng ito ay tineternuhan ng sawsawang matamis, tamis-anghang o di kaya'y sukang maanghang lang. Meron ding chicharon, kagaya ng chicharong baboy, chicharong manok na gawa sa taba at balat ng baboy o manok, chicharong bituka na gawa sa bituka ng baboy at manok at chicharong bulaklak na gawa sa omento ng baboy at manok. Meron ding isaw na bituka ng baboy at tenga ng baboy na tinatawag na "walkman". Meron ding baga na inihaw na baga ng baboy at barbeque na inihaw na karne baboy. Mayroon ding balunbalunan, atay, pwet, leeg ng manok at ulo ng manok na tinatawag na "helmet". Mga kakaning gaya ng suman,kalamay ube at puto ay matatagpuan din. Ice kendi na kilala sa tawag na "popsicle" ng mga panyaga ay makikita rin. Dirty ice cream na gawa sa gata na mahal na mahal ng mga batang naglalaro sa ilalim ng araw. Mayroon ding mani, banana cue, kamote cue at manggang hilaw na may bagoong. Taho na may sago at napakatamis na arnibal ay ang palaging hinahanap pag-kagising sa umaga. Kwek-kwek na itlog ng pugo na tinatawag din na "tokneneng" ay napakasikat sa atin. At sino ba namang Pilipino ang hindi alam ang nagpapalakas ng tuhod na balot at penoy. Ilan lang ang mga nabanggit sa napakaraming uri ng pagkain na matatagpuan sa kalsada sa murang halaga.
Dahil sa binebenta ang mga ito sa kalye, hindi maiiwasang makontamina ito ng mga dumi dulot ng polusyon. Marami ring mga tindero na hindi tinatakpan ang mga bagong lutong pagkain kung kaya't may chansa rin na madapuan ang mga ito ng insekto. Mali rin ang paraan ng paghahanda at pagluluto nila, dahil kadalasan ang mantika ay paulit-ulit nilang ginagamit kaya nawawala na ang sustansya nito. Ang iba naman ay gumagamit ng planggana na may tubig para mahugasan ang mga ginamit nilang kasangkapan. Ang ibang tindero rin ay walang pakialam sa kanilang personal hygiene. Dahil sa kawalang pakialam ng ibang tindero napapabayaan na nila ang kalinisan ng kanilang mga binebenta. Ang ibang mga tindero rin ay ipinagsasabay ang pag-aabot ng pagkain at pagtanggap ng pera, hindi man lang nila naisip na isang katutak ang mikrobyo na dala-dala ng pera na naipapasa nila sa pagkain. Ang pagkain ng 'street foods' ay maaari ring magdulot ng mga sakit sa atin kagaya ng typhoid fever, hepatitis, LBM at food poisoning.
No comments:
Post a Comment